nakita ko sya nun. long hair at medyo may edad na pero hindi parin maikakaila na magaling parin at hindi man lang nanginginig ang mga kamay habang iginuguhit ang isang litrato mula sa isang magasin palipat sa karton. gusto ko sana kausapin at tanong-tanungin tungkol sa kanyang napiling propesyon pero mukhang abala sa pagguhit at mukhang ayaw paabala. kung makikita mo ang mga naiguhit nyang mga larawan na nakadisplay sa kanyang tindahan na tila isang stall lang na nakatayo sa gitna ng pasilyo sa isang mall e hahanga ka din. pero kung mapapansin mo ang "tindahan" nya eh meron pa syang kahati na ale na nagbebenta ng mga kung ano-anong borloloy. si ate yung nakabalandra sa harap habang si kuya yung nasa bandang likod. hindi ko mapigilan na panoorin sya dahil magaling talaga sya. kung hindi lang puro artista ang mga iginuguhit nya at nakadisplay sa stall, mas matutuwa siguro ang mga tao at mas matutuwa sila. mas maaalala rin nila siguro sya.
siguro nakita mo na rin sya. pagpasok mo sa entrance, derecho lang. sa may bandang kanan ng jollibee. yung isang stall sa mall na may mga portrait ng artista. oo, sya yun. seryoso at nakatungo habang may iginuguhit na larawan. hindi ka rin nya siguro masyado pinapansin pero siguro naman naintindihan mo kase alam naman natin na hindi madali ang ginagawa nya. may mga tao rin na kumakausap sa kanya pero konti lang kase medyo mailap din sya sumagot. napansin ko, kakaunti rin yung mga tao na tumitigil at tinitingnan ang mga naiguhit nya. parang mas madami pa yung lumalampas at hindi sya napapansin kesa dun sa mga tumitigil. hindi ako naaawa. dahil alam ko na hindi naman rin nila gusto na kinakaawaan sila.
pero bakit ganon? kung sino yung mga magaling at may karapat-dapat na maipagmalaki e sila yung mga dinadaan-daanan lang ng mga tao na para bang wala lang. na parang napaka-ordinaryo ng ginagawa ni kuya. oo ordinaryo man pero hindi lahat ng tao kayang gawin yun. pag dumadaan sila sasabihin nila "ay ang galing.", sabay lakad naman palayo at hindi na ulit maaalala kahit kelan. tsaka na lang ulit nila maaalala pag nakita nila ulet. pero hindi parin nila maaalala na sya mismo yun. na sya yung long hair at medyo may edad na at seryosong nakatungo habang may iginuguhit na larawan. sana pagbalik ko, andun parin sya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment